NASAWI ang isang 30-anyos na driver matapos aksidenteng mahawakan ang ‘live wire’ nang umakyat sa poste ng Manila Electric Company (Meralco) sa Isla Puting Bato,Tondo, Maynila.
Kinilala ni PSSg Bryan Silvan, imbestigador ng Manila Police District -homicide section, ang biktimang si Robert Madayag, ng Purok 3 Isla Puting Bato,Tondo. Nagtamo ito ng hiwa sa ulo, pasa at sugat sa iba’t- ibang bahagi ng katawan.
Naganap umano ang insidente alas-12 ng madaling araw nang umakyat sa poste ng kuryente ang biktima at aksidenteng makahawak ng live wire.
Napag-alamang ang biktima ay kabilang sa mga nasunugan sa Isla Puting bato noong nakalipas na linggo at hanggang sa kasalukuyan ay walang kuryente.
Hindi umano tiyak kung balak ng biktima na magkabit ng jumper kaya umakyat sa poste ng Meralco.














