DRIVER NA NAKATAMPUHAN ANG NOBYA, NATAGPUANG PATAY

By: Baby Cuevas

Iniimbestigahan ngayon ng Manila Police District -homicide section ang pagkamatay ng isang driver na natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang silid matapos na makatampuhan umano ang kanyang nobya, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Napag-alaman na bago natagpuang walang buhay ay nag-post pa sa kanyang Facebook account noong Pebrero 4,2025 ang biktimang si Cezar, 44, ng Gagalangin,Tondo,Maynila

“Baka pwedeng humingi ng advice sa inyo paano ba magpakamatay? Handa na akong mawala sa mundo.” anang post nito.


Sa imbestigasyon ni PMSG Arvy Macarasig ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, alas-8:07 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang silid.

Huling nakitang buhay ang biktim alas-11 Martes ng gabi, nang utusan ito ng kanyang kasamahan sa trabaho na si Jomari de Guzman, driver, na isarado ang gate ng tinutuluyan nilang bahay.

Bago naman nadiskubre ang bangkay, tinatawag umano ng isa pang kasamahan sa trabaho na si Vincent San Juan, admin staff, ang biktima sa kanyang silid upang humingi ng ekstrang electric fan, ngunit hindi ito tumutugon.

Nanibago umano si San Juan dahil mabilis na sumasagot ang biktima dati, kaya’t nag-alala ito na baka may nangyari ditong masama lalo na at na-diagnose ito na may hypertension at problema sa puso.


Kaagad na tinawag ni San Juan si de Guzman upang alamin ang kondisyon ng biktima at nang buksan ang silid nito, doon na nila nadiskubre na wala ng buhay ang biktima.

Inaalam ng mga awtoridad kung posibleng sinadyang magpakamatay ng biktima at isasailalim ng awtopsiya para matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito.

Tags: Manila Police District (MPD)-Homicide Section

You May Also Like

Most Read