Binabalak ng Department of Health (DOH) na tanggalin na sa sakop ng ‘Zero Balance Billing’ ng pamahalaan ang mga tsuper na naaksidente dahil nakainom ng alak gayundin ang mga rider na walang helmet.
Napag-alaman kay Health Secretary Teodoro Herbosa na patuloy na nakakapagtala ang DOH ng road traffic injuries na kinasasangkutan ng mga drayber na nakainom ng alak at walang suot na safety gears, gaya ng helmet o seatbelt.
Ayon sa datos, sa kabuuang 5,083 road traffic injuries na naitala ng DOH sa Online National Electronic Injury Surveillance Data nitong Hulyo 2025, nasa 3,382 (66.5%) ay kinasasangkutan ng motorsiklo. Sa naturang bilang, 3,197 (94.5%) ay walang suot na helmet habang 205 naman ay mga naka-inom ng alak.
Nasa 38 umano sa kanila ang binawian ng buhay dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Inihayag ni Herbosa na sasagutin ng DOH ang bill ng mga biktima ng road crash, at walang babayaran sa kahit anong medical procedure, opera, gamot, laboratoryo at iba pang gastos sa ospital kung ang pasyente ay nasa basic accommodation.
Gayunman, pinag-aaralan na aniya ng ahensya ang paglabas ng polisiya na hindi sakop ng Zero Balance Billing ang pasyente kung ito ay sangkot sa ‘drunk driving’ o traffic violation sa kalsada gaya ng hindi pagsusuot ng helmet.
Aniya, kailangang may pananagutan ang drayber o motorista na nasangkot sa aksidente dahil sa hindi pagsunod sa batas trapiko.
Inilalaan umano ng DOH ang Zero Balance Billing sa mga pasyente na walang nilabag na batas.














