Latest News

DRIVER AT PAHINANTE, NAKURYENTE, PATAY

By: Victor Baldemor Ruiz

MAGKASUNOD na nangisay at binawian ng buhay ang isang driver at pahinante nito nang sumayad sa high- tension live wire ang kanilang dump truck sa kanilang pagdaan sa Taysan Batangas .

Sa ulat ng Batangas PNP, nasawi ang drayber ng isang dump truck at pahinante nito nang gapangan sila ng malakas na boltahe ng kuryente mula sa isang live wire na kanilang nadaanan habang binabagtas ang national road.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na kamakalawa ng gabi, habang inaayos ng drayber ang rig ng dump box ng kanyang trak ay hindi niya namamalayan na tumama ito sa isang live wire.


Agad na nakuryente ang driver at nang makita ito ng kanyang pahinante ay tinangka pa siyang hilahin nito subalit maging ito ay ginapangan na rin ng mataas na boltahe kaya magkasama silang nangisay .

“Noong ini-angat po niya ‘yung dump box nu’ng truck, tumama po siya sa live wire, kasi madilim po,” pahayag ng hepe ni Police Major Mickglo Mariñas, ang chief of police ng Taysan.

“Hindi po napansin ng driver natin na ‘yun po ‘yung naging rason kung bakit po siya nakuryente,” ani Maj Mariñas.


Tags: Batangas PNP

You May Also Like

Most Read