Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang drag artist na si Pura Luka Vega sa kanyang tahanan sa Sta. Cruz, Manila nitong Miyerkules ng hapon.
Batay sa ulat ng MPD-Sta Cruz Police Station (PS-3), nabatid na si Vega, o Amadeus Fernando Pagente sa tunay na buhay, 33, ay inaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng PS-3, sa kanyang tahanan sa Hizon St., sa Sta. Cruz, dakong alas-4:10 ng hapon.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Czarina Villanueva ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 36 at ito ay may kaugnayan sa kinakaharap niyang kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code (Immoral Doctrines, Obscene Publications and Exhibitions, and Indecent Shows), in relation to Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Samantala, nagrekomenda naman ang hukuman ng P72,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Vega.
Siya ay kasalukuyang nakapiit sa MPD PS-3 habang hindi pa nakakapaglagak ng kaukulang piyansa.
Matatandaang si Vega ay una nang idineklarang persona non-grata sa ilang lugar sa bansa matapos mag-viral ang kanyang video kung saan nagpi-perform siya ng isang Ama Namin remix habang nakasuot ng costume ng Itim na Nazareno, sa loob ng isang local bar, bagay na mariing kinondena ng mga Katoliko at Kristianong religious leaders at organizations.














