APAT na hinihinalang vintage bombs ang nadiskubre ng isang maintenance worker ng Department of Public Works and Highway (DPWH) sa loob ng nililinis na drainage kahapon ng umaga malapit sa Church of God International sa kahabaan ng Quezon Boulevard, Quiapo, Maynila.
Ipinarating ni Glenn John Reyes, 44, DPWH maintenance worker, at taga 1503 Interior 7, Loreto St., Sampaloc, Maynila, ang nakitang apat na bagay nakabalot ng tape na hinihinalang vintage bomb, sa Plaza Miranda Police Community Precinct.
Naglilinis umano ng drainage si Reyes alas 7:35 ng umaga nang madiskubre ang apat na botelya ng vintage bomb na hinihinala rin na ” molotov cocktail”.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga nagrespondeng tauhan ng MPD-DECU Team sa apat na botelya ay nag-negatibo naman ito sa anumang ‘hazardous or explosive materials’.
Samantala, nanawagan naman sa publiko ang MPD na maging mapagmasid laban sa mga nakakapinsalang pampasabog na maaring nasa paligid lamang nila.














