DPWH USEC CABRAL, NATAGPUANG PATAY SA ILALIM NG BANGIN, IMBESTIGASYON, GUMUGULONG NA

By: Baby Cuevas

Lasog-lasog ang wala nang buhay na katawan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Catalina Cabral nang matagpuan ng mga awtoridad matapos mahulog umano sa 20-metrong bangin sa Kennon Road sa Tuba, Benguet.

Batay sa ulat ng kapulisan Huwebes ng gabi, Disyembre 18, nakuha ang katawan ni Cabral sa batuhan ng Bued River, sa ibaba ng highway.


Ayon sa Benguet Police Provincial Office, binabaybay umano ni Cabral at driver niya ang Kennon Road nang pinahinto ni Cabral ang sasakyan sa Purok Maramal, Sitio Camp 5 sa Barangay Camp 4 bandang alas-3 ng hapon. Hiniling umano niyang iwan muna siya kaya pumunta ang driver na si Cardo Hernandez sa isang malapit na gas station.

Nang isang oras na ang lumipas ay binalikan ni Hernandez ang lugar bandang alas-5 ng hapon pero wala na doon si Cabral. Dahil di makita ang amo, nag-report si Hernandez sa pulisya.

Ilang ulit umano niya sinabihan si Cabral na huwag manatili sa ulunan ng bangin dahil baka ito mahulog.


Matatandaan na si Cabral ay idinadawit sa maanomalyang flood control projects, kung saan ito umano ang nagpapalakad ng mga budget insertions o “allocables” sa National Expenditure Program at kabilang rin ito sa mga pinakakasuhan kaugnay ng kontrobersya.

Samantala, di pa umano nakukuha ng pamilya ang bangkay ni Cabral alinsunod sa atas na tiyaking si Cabral nga ito, sa pamamagitan ng DNA testing.




Hinihingi rin ng awtoridad ang cellphone ni Cabral at ayon kay DILG Sec. Jonvic Remula, tuloy ang imbestigasyon at di umano ito matatapos sa pagkasawi ni Cabral.

Iniimbestigahan ng PNP kung si Cabral ba ay nagpatiwakal o pinatay.


Tags: Catalina Cabral

You May Also Like