Dahil sa pag-amin na wala itong ‘flood control master plan’ upang mapigilan ang pagbaha sa kalakhang- Maynila at ibang parte ng bansa tuwing may malakas na ulan o bagyo, umaapela ngayon ang ilang sektor na alisin sa puwesto ang ilang matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ay bunsod ng pag-amin umano ni DPWH secretary Manuel Bonoan sa isang Senate hearing na walang integrated national flood control plans ang ahensya, gayung ito ay may bilyon-bilyong pisong pondo para sa iba’t- ibang infrastructure projects, kasama na rin ang flood control projects.
Hiniling na rin ng mga sektor na naapektuhan ng malawakang pagbaha nitong nakaraang linggo na magsagawa ng isang Senate investigation kung mayroong nagaganap na korapsyon sa nasabing ahensya, dahil sa kapabayaan nito na mag-implementa ng isang flood control system sa Metro Manila at karatig bayan.
Inireklamo rin ng ilang grupo ang pagkakatalaga ni DPWH assistant secretary Rey Peter Gilles bilang officer-in-charge Director ng Region X, kapalit ni Engr. Zenaida Tan na nag-retire. Si Gilles ay kasalukuyang DPWH Asst. Secretary for CAR, Regions I, II, IX, X, XI, XII at XIII.
Napag-alaman din na may nakalaaang pondo na mahigit P1 bilyong piso para sa mga imprastrakturang gagawin sa mga nasabing rehiyon.
Ilang qualified government engineers naman umano ang karapat-dapat sa nasabing puwesto subalit isa lamang ang pinaburan dito na umano’y malapit na kaibigan ng mga matataas na opsiyal ng DPWH.
Ang DPWH ay may nakalaang P225 bilyon pisong pondo para sa 2024 national budget, kasama na rito ang pagsasagawa at pagkumpuni ng mga nasirang flood control projects sa bansa dulot ng malalakas na bagyo.
Sa isang Senate hearing ay inamin ng DPWH na wala pang 30 porsiyento na flood control project ang nakumpleto nito sa loob ng dalawang dekada.
Sa nasabing pagdinig ay sinabi pa ni Bonoan na mahigit 5,000 flood control projects na ang naisagawa ng ahensya subalit hindi matukoy ang dahilan kung bakit patuloy pa rin ang malawakang pagbaha sa National Capital Region, Bulacan at Pampanga.
Si DPWH undersecretary Robert Bernardo na Flood Control project supervisor para sa NCR at Central Luzon habang si DPWH undersecretary Cathy Cabral naman na in-charge sa Planning and Public-Private Partnership Service ay isinisisi ang pagbaha sa mga basura na naiipon sa mga waterways.














