Hindi inaalis ang posibilidad na tuluyang malugi ng P 1.9 billion ang Pilipinas bunsod ng kinanselang heavy lift helicopter deal sa Russia.
Una nang inihayag ng Department of National Defense na noon ay pinamumunuan pa ni former Defense Secretary Delfin Lorenzana na kinansela ang nakatakda sanang pagbili ng Pilipinas ng 16 units ng Mi-17 helicopters na nagkakahalaga ng P12.7 bilyon mula sa kumpanyang Sov Technoexport ng Russia bunsod ng inilabas na kautusan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Dahil Pilipinas ang nagkansela ng nasabing kontrata ay malabong mabawi agad ng pamahalaan ang ibinayad na downpayment ng Pilipinas sa Russian company.
Nangangamba umano ang DND at maging ang Malacañang na patawan ng sanction ng United States kung itutuloy ang kontrata sa Russia na una nang pinatawan ng economic sanctions ng U.S bunsod ng ginawa nitong pagsalakay sa Ukraine.
Ayon kay DND Spokesperson Director Arsenio Andolong, nagbuo ang kagawaran ng Contract Termination and Review Committee na siyang tututok sa pag-proseso at pagsasapinal ng kanselasyon ng kontrata gayundin sa pagbawi ng P1.9 bilyon bilang downpayment.
Samantala, naniniwala ang DND na hindi papasok sa umiiral na Countering America’s Adversaries Through Sanctions Act o CAATSA ang pagbili ng heavy lift choppers sa Russia dahil gagamitin sa humanitarian assistance and disaster response ang mga air assets kaya’t hindi dapat parusahan ang Pilipinas.
Ayon kay Andolong, ang bibilhin sanang mga helicopter sa Russia ay para sa Humanitarian Assistance and Disaster Response kaya’t wala aniyang problema rito. Ibang usapan na, ani Andolong, kung ang bibilhin ay mga attack helicopter.
Samantala, tiwala ang DND na hindi naman madedehado ang Pilipinas sa nasabing pagkansela ng kontrata dahil tatalakayin pa ito sa nakatakdang bilateral dialogue sa pagitan ng gobyerno at ng Russia.
“We have reconstituted the DND Contract Termination and Review Committee (CTRC) that will undertake the appropriate processes and exercise due diligence in formalizing the termination of the project’s contract,” ani DND spokesperson Arsenio Andolong . (VICTOR BALDEMOR)