DOTr: Walang sinumang maiiwan sa implementasyon ng PUVMP

By: Jerry S. Tan

Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) kahapon na patuloy nilang inaayos ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) upang ma-accommodate ang mas maraming jeepney operators at drivers, at masigurong walang sinumang maiiwan sa implementasyon nito.

Ang pagtiyak ay ginawa ni DOTr Secretary Jaime Bautista kasunod nang pagdaraos ng ilang transport groups ng nationwide protest upang tutulan ang naturang programa.

Ayon kay Bautista, palaging bukas ang linya ng kanilang komunikasyon sa mga transport groups na nagkakaroon ng misconceptions hinggil sa programa at upang plantsahin ang mga isyu sa pamamagitan ng tapat na komunikasyon.


“I still believe we can resolve the issues through honest communication. We have been fine tuning the program according to the voices of transport groups,” pahayag pa ng kalihim.

Dagdag pa niya, “In the PUV Modernization Program, we ensure no one gets left behind.”

Nabatid na nakipag-ugnayan na rin si Bautista kay PISTON President Mody Floranda upang itama ang ilang misconception nito sa PUV Modernization, gaya nang sinasabing pag-phase out sa mga tradisyunal na jeepneys, mataas na halaga ng modern jeepneys, gayundin ang puwersahang pagbili ng mga units sa halagang P2 milyong bawat isa.

Sinabi rin ni Bautista na sa ngayon ay marami nang jeepney operators at drivers ang tumalima sa konsolidasyon sa kooperatiba ang nakatalima sa programa.


Nasa mahigit 5,000 ruta na rin umano na may 135,761 consolidated franchises ang naaprubahan at inu-operate ng may 1,838 kooperatiba at mga consolidated companies.

Nabatid na sa ilalim ng modernization program, ang mga transport cooperatives ay maaaring mag-avail ng financial assistance, bukod pa sa matatanggap na subsidiya mula sa pamahalaan, upang i-upgrade ang kanilang PUV fleet sa mga units na may low-carbon emission, ligtas at episyente.

Matatandaang naglunsad na ang PISTON ng 3-araw na nationwide transport strike simula nitong Lunes hanggang Miyerkules upang tutulan ang Disyembre 31 na deadline para sa konsolidasyon sa kooperatiba, sa ilalim ng PUVMP.

Nagpaabiso na rin ang MANIBELA na sila naman ang magdaraos ng 3-araw na nationwide transport strike, mula Nobyembre 22 hanggang 24, upang ipakita ang kanilang pagtutol sa programa.


Tags: Department of Transportation (DOTr)

You May Also Like

Most Read