Nagtalaga na si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ng Officer-In-Charge (OIC) sa Land Transportation Office (LTO).
Kasunod na rin ito ng pagbibitiw sa puwesto kamakailan ni LTO chief Asec. Jay Art Tugade, na nakatakda nang bumaba sa puwesto ngayong Hunyo 1.
Nabatid na, sa bisa ng isang Special Order, hinirang ni Bautista si Atty. Hector Villacorta, na siya ring Assistant Secretary for Communications and Commuter Affairs ng DOTr, bilang LTO OIC.
“Asec. Villacorta will be the LTO OIC while waiting for permanent appointment by President Ferdinand Marcos Jr.,” anunsiyo pa ni Sec. Bautista sa turnover ceremony sa LTO.
Pinasalamatan rin naman ng kalihim si Tugade para sa kanyang mga accomplishments sa pitong buwang paninilbihan sa LTO.
Sa kanyang panig, tiniyak naman ni Villacorta sa transport chief na ipagpapatuloy ng LTO ang kanilang mandato na magkaloob ng mahusay na serbisyo sa mga mamamayan.
Magpopokus rin aniya sila sa mga kritikal na isyu, kabilang na ang pag-iisyu ng driver’s license at vehicle plates.
“This is not just a transition but a continuation of the efforts done by the LTO all these many decades,” ani Villacorta.
“We give you an institution where personalities may change but we will carry on. With the dawn in this office, we will never forget those who helped through the night,” dagdag pa ni Villacorta.