Kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, inatasan na ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng railway lines sa bansa na higit pang paigtingin ang kanilang ipinaiiral na COVID-19 preventive measures.
Sa isang pahayag nitong Martes, pinaalalahanan rin ni DOTr Secretary Jimmy Bautista ang mga operators ng Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT), at Philippine National Railways (PNR) na mahigpit pa ring ipatupad ang mandatory na pagsusuot ng face masks sa lahat ng kanilang mga tren at mga istasyon.
Mahigpit rin ang kautusan ng DOTr na isailalim sa mandatory COVID-19 testing ang lahat ng opisyal, empleyado at personnel ng rail lines na makikitaan ng sintomas ng COVID-19.
Nabatid na ang direktiba ay inisyu ng DOTr matapos na makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 42% na pagtaas sa average daily new COVID-19 cases na nasa 637 bagong kaso kada araw, sa huling bahagi ng Abril, 2023.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pag-uusap ng mga pasahero sa loob ng tren, gayundin ang pakikipag-usap ng mga ito sa telepono habang nakasakay sa tren, upang maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.
Paniniguro pa ng DOTr, tuluy-tuloy pa rin ang kanilang disinfection activities sa lahat ng mga tren at mga istasyon.