Latest News

DOTr: Pag-arangkada ng PUV modernization program, tuloy sa Disyembre 31

By: Jerry S. Tan

Tuloy ang pag-arangkada ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program ng pamahalaan sa Disyembre 31, 2023.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, wala nang makapipigil pa sa deadline para sa pagbuo ng kooperatiba o korporasyon ng mga jeepney drivers, bilang bahagi ng naturang programa.

Ito’y sa kabila ng mga kontrobersiyang kinasangkutan mismo ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III.


Mariin ring pinabulaanan ni Bautista ang mga akusasyon laban sa LTFRB na umano’y nagkakaroon ng bilihan ng ruta ng jeepney, dahil kasama rin aniya sa pagkakaloob ng ruta ang plano rito ng mga local government units (LGUs).

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Bautista na hindi for sale ang mga ruta at ang prangkisa ay libre lamang.
Idinagdag pa niya na hindi nila ipi-phase out ang mga tradisyunal na public utility jeepneys (PUJs) ngunit kailangang ang mga ito ay compliant o tumatalima sa euro engine standard at pasok sa Philippine Standards ng Trade Industry.

Matatandaang una nang inakusahan si Guadiz ng kanyang dating executive assistant na si Jeff Tumbado, na sangkot sa bribery sa LTFRB, sanhi upang suspindihin siya ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr..

Kalaunan, binawi ni Tumbado ang alegasyon, na nagresulta ng pagkakabalik sa puwesto kay Guadiz.


Samantala, posible pa rin umanong masibak sa puwesto si Guadiz, kung mapapatunayang guilty siya sa mga alegasyon ng korapsiyon.

Ito ang naging tugon ni Bautista matapos na matanong sa isang panayam sa radyo kung maaari pa bang muling ma-dismiss si Guadiz mula sa LTFRB, sakaling mapatunayan sa isinasagawang imbestigasyon na siya ay sangkot sa korapsiyon.

Ayon kay Bautista, inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na bilisan ang isinasagawang imbestigasyon sa isyu dahil ang magiging resulta nito ang gagamitin nilang basehan sa paglalabas ng pinal na desisyon.

“Siguro ganun (madi-dismiss) mangyayari. Kaya nga hihintayin namin ‘yung result ng investigation ng NBI,” anang kalihim, sa naturang panayam. So, tatapusin din naman ‘yung imbestigasyon na ‘yan. Kung ano man ‘yung magiging resulta niyan, ‘yun ang magiging basis natin dun sa final decision,” aniya.


Nito namang Nobyembre 3, naglabas si Bautista ng isang special order upang maibalik sa puwesto si Guadiz, at naging epektibo ito nitong Lunes, Nobyembre 6.

Tags: Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista

You May Also Like

Most Read