Ikinukonsidera ng Department of Transportation (DOTr) ang official development assistance (ODA) o Public-Private Partnership (PPP) schemes upang pondohan ang tatlong big-ticket railway projects ng ahensiya.
Ito’y matapos na ipasya nitong alisin na ang China bilang partner nito sa mga naturang proyekto.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, ang South Long Haul Project, Mindanao Railway Project, at Subic-Clark Railway ay maaaring i-financed sa pamamagitan ng ODA at PPP, habang ang pamahalaan naman ang gagastos para sa pagbili ng mga right-of-way.
“Itong tatlong railway projects na ito can either be financed by ODA, Public-Private Partnership or the government. We’re looking at those three sources to finance these projects,” ani Bautista. “Yung right of way, hindi ‘yan covered ng ODA. So, ito ay magiging gastos ng gobyerno.”
Kabilang aniya sa mga opsiyon na tinitingnan ng DOTr upang mag-finance sa mga proyekto ay ang Japan International Cooperation Agency (JICA), World Bank, at ang Asian Development Bank (ADB).
Paliwanag pa niya, dahil ang tatlong proyekto ay nasa ilalim ng nakalipas na administrasyon, kailangan muna nilang kumuha ng approval mula sa National Economic Development Authority (NEDA) upang i-update ang halaga ng bawat proyekto dahil na rin sa pagkaantala ng implementasyon nito, at pagtaas ng presyo ng mga materyales at labor.
“Ang gagawin natin dito kukuha muna tayo ng update approval. Tingin ko magkakaroon ito ng additional cost because of the delay, cost of materials, labor, so kailangan i-update natin yan,” aniya pa. “For us to be able to continue this projects, we need to get approval from NEDA for increase in cost.”