Bibiyahe nang ang mga tren ng apat na railway lines sa bansa ngayong Lunes, Abril 10, matapos na magsuspinde ng biyahe nitong Mahal na Araw upang bigyang-daan ang taunang maintenance activities nito.
Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na balik na sa normal na operasyon ang mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Philippine National Railways (PNR) ngayong Lunes upang magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan.
Matatandaang tumigl ng operasyon ang mga naturang rail lines mula Abril 6, Huwebes Santo, hanggang nitong Abril 9, Linggo ng Pagkabuhay, bilang pakikiisa sa Mahal na Araw at upang makapagsagawa na rin ng kanilang taunang maintenance activities.
Kaugnay nito, sinabi rin ng DOTr na aarangkada na ring muli ang libreng sakay na ipinagkakaloob ng LRT-2, MRT-3 at PNR, para sa mga beterano, bilang pagdiriwang sa Philippine Veterans’ Week at Araw ng Kagitingan.
Nag-umpisa ang libreng sakay noong Miyerkules Santo, Abril 5, at itinigil ng Abril 6 hanggang Abril 9.
Aarangkada namang muli ang naturang free rides para sa mga beterano simula ngayong Abril 10, 11, at 12.
Ayon pa kay Bautista, upang makapag-avail ng libreng sakay, kinakailangan lamang ng mga beterano na iprisinta ang kanilang balidong identification card mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO).
Para sa MRT-3, pagkakalooban rin nito ng libreng sakay ang isang kasama o companion ng beterano sa mga nasabing araw. (JERRY S. TAN)