By: ARIANNE JAYMEL
Inanunsiyo ng Department of Tourism (DOT) na kasama ang Department of Health (DOH) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), magtatayo ang DOT ng Tourist First Aid Facilities sa layunin maiangat ang safety standards ng mga tourist destination.
Ito ay matapos lagdaan nina DOT Secretary Christina Garcia Frasco, DOH Secretary Teodoro Herbosa, Jr., at TIEZA Chief Operating Officer (COO) Mark Lapid, na kinatawan ni Assistant COO Atty. Joy Bulauitan, ang isang Memorandum of Understanding (MOU) para sa pagtatayo ng mga Tourist Aid Facilities .
Ang inisyal na set ng Tourist First Aid Facilities ay ilalagay sa mga key tourist destinations gaya ng La Union, Boracay, Siargao, Panglao, Palawan, at Puerto Galera, o sa lugar na may mataas na bilang ng mga dumarating na turista.
Ang naturang pasilidad ay magsisilbing response center para sa mga turista na maaksidente o masasaktan sa pagbisita nila sa bansa.
Lalagyan umano ito ng mga bihasa na healthcare professionals na siyang tutugon sa emergenc, bukod pa sa lifeguard station sa ikalawang palapag na magbabantay sa kaligtasan ng mga turista.
Bukod sa Tourist First Aid Facilities, magtatayo rin ng solar-powered Tourist First Aid Booths sa mga beachfront areas, partikular na sa kahabaan ng coastlines upang kaagad na matugunan ang medikal na pangangailangan ng mga turista.