Sina Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno at BOC deputy chief of staff and spokesman Atty.Chris Noel Bendijo sa pagsisimula ng delivery ng abandoned balikbayan boxes.

Door-to-Door Delivery ng Mga Abandonadong Balikbayan Boxes, Sinimulan na; OFWs, Natuwa at Nagpasalamat

By: Jerry S. Tan

Sinimulan na ng Bureau of Customs (BOC) nitong Huwebes, Disyembre 18, ang door-to-door delivery ng mga balikbayan boxes ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na inabandona ng ilang freight forwarding companies matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ,Jr. ang pondo para sa agarang pamamahagi ng mga padala sa mga pamilya ng OFWs.

Ang hakbang ay bahagi ng Balikbayan and OFW Action Center (BOAC), isa sa mga pangunahing programa ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na naglalayong tugunan ang matagal nang reklamo ng mga OFW laban sa iresponsableng gawain ng ilang freight forwarders na nagdulot ng pagkaantala at pag-abandona ng kanilang mga padala.


Pinangunahan ni Commissioner Nepomuceno, kasama ang mga opisyal at kawani ng BOC, ang isinagawang inspeksyon at ceremonial distribution bilang simbolo ng konkretong aksyon ng ahensya upang tuluyang maresolba ang matagal nang suliranin ng mga OFW kaugnay ng kanilang mga balikbayan boxes.

“Isa ito sa mga problemang agad nating tinutukan sa pagsisimula ng ating panunungkulan. Batid natin ang sakripisyo ng ating mga OFW, at bawat balikbayan box ay bunga ng kanilang pagsusumikap para sa pamilya,” ayon kay Commissioner Nepomuceno.

Ayon kay Deputy Commissioner Michael C. Fermin, Chairperson ng BOAC, patuloy ang koordinasyon ng BOC sa Department of Finance, Department of Migrant Workers, at iba pang ahensya upang mapabilis ang paghahatid ng mga balikbayan boxes.


“Ang distribusyon ng mga balikbayan boxes na ito ay libre. Wala pong dapat bayaran. Anumang humihingi ng bayad ay maaaring isumbong sa Bureau of Customs,” ani Deputy Commissioner Fermin.

Nagpasalamat si Commissioner Nepomuceno kay Pangulong Marcos, Jr., gayundin kay Finance Secretary Frederick D. Go, sa kanilang suporta sa programang nagbibigay katiyakan na mararamdaman ng mga OFW ang malasakit ng pamahalaan.




Ayon kay BOC deputy chief of staff and spokesman Atty.Chris Noel Bendijo, nagpahayag naman ng pasasalamat at tuwa ang mga OFW sa inisyatiba ng BOC, na nagbigay sa kanila ng pag-asa na makararating na sa wakas ang kanilang pinaghirapang mga padala. Isa sa kanila si Rachel Parfan, isang OFW na matagal nang naghihintay na maihatid ang mahigit sampung balikbayan boxes na kanyang ipinadala sa kanyang pamilya.

Binigyang-diin ni Bendijo na ang programang ito ay bahagi ng mas malawak at tuloy-tuloy na adbokasiya upang pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW, panagutin ang mga mapang-abusong freight forwarders, at tiyakin na ang sakripisyo ng ating mga bagong bayani ay hindi nasasayang.


Patuloy ding pinaaalalahanan ng BOC ang publiko na maging mapanuri at tiyaking lehitimo at may kredibilidad ang mga freight forwarders na kanilang pagkakatiwalaan sa pagpapadala ng balikbayan boxes, ani Bendijo.

You May Also Like