Agad pinatawan ng isang buwang suspension ang Region 3 DOLE director na si Geraldine Panlilio sa unang araw ng pag-upo ni Department of Labor and Employment (DOLE) secretary Francis Tolentino ngayong araw ng Martes.
Ang pagpataw ng suspension laban kay panlilio ni Secretary Tolentino ay bilang aksyon sa nangyaring pagguho ng isang konstruksyon na gusali sa Balibago, Angeles City, Pampanga.
Sa harap ng media at mga opisyal ng DOLE, sinabi ni Tolentino na pipirmahan niya ang one-month preventive suspension laban kay Panlilio habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naging pag-lift ng work stoppage order sa construction project bago naganap ang insidente noong Mayo 23.
Nauna nang nagpalabas ng work stoppage order ang DOLE Region 3 laban sa contractor na Golden Years Construction Company dahil sa umano’y paglabag sa occupational safety and health standards.
Gayunman, inalis din kalaunan ang work stoppage order matapos umanong sumunod ang kumpanya sa safety requirements at wala nang nakitang “imminent danger” sa mga manggagawa.
Inamin naman ni Panlilio na wala nang sumunod na inspeksyon matapos ang tatlong inspeksyong isinagawa habang nagpapatuloy ang konstruksyon ng gusali.
Dahil dito, sinabi ni Tolentino na rerepasuhin ng DOLE ang sistema ng inspeksyon sa mga construction project upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagsunod sa occupational safety standards at maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap. (Tony Gildo)














