Latest News

DOLE: ‘No work, no pay,’ ipaiiral sa Disyembre 26

By: JANTZEN TAN

Nagpaalala kahapon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers hinggil sa ipinaiiral na pay rules para sa Disyembre 26, 2023, na deklarado bilang special non-working holiday.

Inilabas ng DOLE ang Labor Advisory No. 28, Series of 2023, na nagsasaad ng wastong pagbabayad ng sahod para sa special (non-working) day gaya ng naturang petsa.


Nabatid na nilagdaan ito ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma noong Disyembre 14, alinsunod sa Proclamation No. 425, na nagdedeklara sa Disyembre 26, bilang special (non-working) day sa buong bansa.

Batay sa naturang labor advisory, ipatutupad ang “no work, no pay” sa nasabing araw, maliban na lamang kung ang kumpanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

Samantala, ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran naman ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho.

Ang empleyado naman na nag-overtime para sa nasabing araw ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.


Para sa mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day, na natapat sa araw ng kanyang pahinga, dapat silang bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras.

Ang mga mag-o-overtime naman ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita para sa nasabing araw.

Kaugnay nito, pinayuhan ng DOLE ang mga manggagawa na kung may karagdagang katanungan sa wastong pagbabayad ng sahod, ay tumawag anumang oras o araw sa DOLE Hotline 1349.

Maaari din umano silang tumawag o mag-text sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon o di kaya ay magpadala ng mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa [email protected] o sa pamamagitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DOLE.


Tags: Department of Labor and Employment (DOLE)

You May Also Like

Most Read