By: Jantzen Alvin
Pinaalalahanan kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang publiko na ang lahat ng mga programa at serbisyo ng kanilang ahensiya na naglalaan ng pondo para sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Accredited Co-Partner (ACP), ay maaaring ma-avail nang libre.
Ayon sa DOLE, ginawa ang mga naturang programa upang suportahan at itaas ang kalidad ng buhay ng mga mamamayang nangangailangan.
Dahil dito, wala anilang anumang pinansyal na obligasyon ang sinuman o anumang grupo na nagnanais na makasali sa mga serbisyong ito.
“Ang DOLE ay nagpapatupad ng zero-tolerance policy laban sa mga ACPs o indibidwal na nang-aabuso o nananamantala sa mga programa ng Kagawaran para sa pansariling kapakinabangan,” babala pa ng DOLE.
Inihalimbawa ng DOLE ang mga naturang pang-aabuso gaya ng paghingi ng anumang uri ng facilitation fees at kickbacks, misrepresentasyon, at iba pang gawain na nakasasama sa interes ng mga totoong benepisyaryo.
Warning pa ng DOLE, “Ang sinumang ACP o indibidwal na mapatunayang lumabag sa mga alituntunin ng Kagawaran kaugnay sa implementasyon ng mga programa at serbisyo nito ay agad na ipapawalang-bisa ang akreditasyon at ilalagay sa watchlist.”
Layunin anila ng hakbang na ito na tiyakin ang mga naturang abusadong ACP ay hindi na makakalahok pang muli sa mga programa ng DOLE.
Pinayuhan rin naman ng DOLE ang publiko na kaagad na i-report sa kanilang tanggapan ang anumang anomalya kaugnay sa implementasyon ng mga programa ng DOLE.
“Maaari kayong tumawag sa DOLE Hotline 1349 o sa pinakamalapit na DOLE Offices sa inyong lugar, na may mga numerong makikita sa DOLE website www.dole.gov.ph/key-officials/,” dagdag pa nito.