Aprubado na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa Cagayan Valley, Central Luzon at SOCCSKSARGEN ang pagtataas ng minimum wage sa mga naturang rehiyon.
Kinumpirma ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Miyerkules at sinabing nag-isyu ang RTWPBs ng motu proprio wage orders na nagpapahintulot ng umento sa daily minimum wage rates ng mga manggagawa sa mga pribadong establisimyento sa mga naturang rehiyon, alinsunod na rin sa kautusan ni Pang. Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Araw ng Paggawa na agarang repasuhin ang minimum wages sa bansa.
Nabatid na sa Cagayan Valley, inaprubahan ng RTWPB-II ang P30 daily minimum wage increase sa lahat ng sektor.
Dahil dito, ang daily minimum wages para sa non-agriculture sector ay magiging P480 na mula sa dating P450 habang mula sa P430 ay magiging P460 naman ang daily minimum wages para sa agriculture sector.
Inaprubahan rin naman ng RTWPB-II ang P500 monthly increase para sa mga kasambahay sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa rehiyon, sanhi upang ang monthly minimum wage ng naturang sektor ay umabot na sa P6,000, mula sa dating P5,500 lamang.
Samantala, sinabi ng DOLE na matapos na i-simplify ng RTWPB-III ang wage structure sa main sector/industry classifications na non-agriculture, agriculture, at retail at service sa Central Luzon ay inaprubahan rin nito ang wage increase na P50-P66 sa rehiyon.
Dahil dito, ang daily minimum wage rates sa Central Luzon ay aabot na ng P550 mula sa dating P500 sa non-agriculture sector; P520 naman mula sa dating P485 sa agriculture sector; at P540 mula sa dating P435 para sa retail at service establishments.
Sa SOCCSKSARGEN, inaprubahan rin ng RTWPB-XII ang increase na P27-P48 kaya’t ang daily minimum wages sa rehiyon ay umabot na sa P430 para sa non-agriculture sector, kabilang ang retail at service establishments, at P410 naman sa agriculture sector sa sandaling maipatupad na ang lahat ng tranches.
Inihayag ng DOLE na magiging epektibo ang mga naturang wage orders sa Oktubre 17, 2024 at inaasahang direktang pakikinabangan ng 905,000 minimum wage earners sa mga naturang rehiyon.














