Naliligo sa sariling dugo at tadtad ng saksak ang isang 62-anyos na doktor nang matagpuang patay sa loob ng kanyang bahay ,kamakalawa ng gabi sa Sta. Ana, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni PCpl Charles Dela Torre ng Manila Police District-homicide section, nawawala rin ang Iphone at di pa madeterminang halaga ng perang nakalagay sa backpack ng biktimang si Nathaniel Alunan ng 2406 B Kasarinlan St., Sta. Ana, Maynila.
Lumitaw sa imbestigasyon na alas- 6:45 ng gabi nang madiskubreng patay ang biktima.
Ayon kay Michelle Calugcugan,caregiver,31, huli umano niyang nakitang buhay ang biktima noong Enero 14,matapos nitong bisitahin ang kanyang tiyuhin sa Legaspi Tower sa Vito Cruz Street..
Napag-alaman na ilang beses umano niyang tinawagan ang cellphone ng biktima pero hindi ito sumasagot kaya napilitan itong tawagan ang kapatid ng biktima na si Chito.
Inatasan si Calugcugan ng isang kapatid ng biktima na puntahan ang kanyang kapatid at tingnan dahil may duplicate naman siyang susi.
Nadiskubre naman ni Calugcugan na sira ang lock ng pintuan at dito nakita ang walang buhay na biktima na naliligo na sa sariling dugo at nawawala na ang cellphone at pera nito. (Arsenio Tan)














