Latest News

DOK POKS, DISMAYADO SA MGA NAGBA-BALEWALA NG KALUSUGAN

By: Jerry S. Tan

Dismayadong-dismayado si Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan sa tila aniya ay kaugalian na ng nakararaming Pilipino na balewalain ang kanilang kalusugan at kikilos lamang kapag malala na ang sakit.
Sa dami kasi ng libreng serbisyo-medikal na ibinibigay nang libre ng Manila Health Department (MHD) na kanyang pinamumunuan, hindi umaabot sa maximum ang naga-avail ng mga nasabing serbisyo na ang iba pa nga ay mahal kung sa pribadong ospital gagawin.
Sampol na lamang ang huling aktibidad na ini-announce pa mismo ni Mayor Honey Lacuna sa flagraising ng Manila City Hall at maging sa social media, kung saan inimbitahan ang mga Grade 12 public high school students na edad 18 hanggang 19 para sumailalim sa libreng diabetes screening para sa blood sugar gamit ang fasting blood sugar (fbs) testing.
Naglaan ang MHD ng mga kailangan para sa 7,000 mag-aaral pero ang nagpa-screen ay nasa 1,651 lamang,  sa kabila ng mga anunsyo at direktiba mismo ni Mayor Honey, ng MHDA at maging ng mga mga pinuno ng paraalan para himukin o imbitahan ang mga estudyante nila na magpa-screen nang libre para maagapan kung sila ay nag-uumpisa nang magka-diabetes o kung meron na ay matutukan din ito nang di na lumala pa.
Nakagugulat na sa nasabing bilang ng nagpa-testing ay umabot sa 168 o mahigit sa 10 porsyento ang nakitaan ng “high sugar values”.
Sabi nga ni Dok Poks, imagine kung nagpatesting ang target na 7,000 estudyante at ten percent ang may mataas na sugar.  Ito ay tumataginting na 700 kabataan sa lahat.
Nakakalungkot aniya na tila bina-balewala lamang ng mga magulang at kabataan ang kalusugan ng mga mag-aaral dahil ang 1,651 na nagpa-testing nang libre laban sa diabetes ay mula sa kabuuang 25 public senior high schools sa Maynila.
Bukod nga pala sa screening,  libre ding ibinibigay ng MHD ang follow-up checkups at gamot para sa nakumpirmang may diabetes na.
Paliwanag ni Dok Poks, isang ‘pre-emptive measure’ sana ang libreng diabetes screening at layunin nito na matukoy at maagapan ang pagsisimula ng diabetes sa pamamagitan ng mataas na  sugar levels at itaguyod ang diabetes-free population sa Maynila, sampung taon mula ngayon.
Kung hindi kasi maaagapan ang diabetes sa mga kabataan, sigurado umano na lalala ang kanilang sugar levels sa kanilang pagtanda at pagdating sa estadong iyon ay ‘irreversible’ o di na ito magagamot pa bagkus, iinuman  na lamang ng gamot para di na lumala pa.
Samantala, kung makikitaan agad ng mataas na sugar levels ang isang mag-aaral ay maaring maiwasan na mapunta ito sa diabetes sa pamamagitan ng tamang paggabay sa kung ano ang mga bagay na dapat at di niya dapat gawin.
Sa kabila ng  napakababang bilang ng sumailalim sa libreng diabetes testing na isinagawa bilang bahagi ng pakikiisa ng lungsod sa World Diabetes Day, hindi nasisiraan ng loob si Dok Poks na madadagdagan ang mga kabataan na nanaising magpa-diabetes screening sa susunod na taon.
Plano na pala kasi ni Dok Poks na gawing taunan ang pagsasagawa ng pamahalaang lungsod ng libreng diabetes screening sa mga kabataan.
Sana matauhan naman ang mga taga-Maynila dahil ang gusto lang ni Dok Poks ay magkaroon ng malulusog na lider ang Maynila sa hinaharap.
Mga lider na walang problema sa diabetes.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang  reaksyon.
Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read