DOJ, NAGSAMPA NG KASO VS. NAGBEBENTA NG SANGGOL ‘ONLINE’

By: Jaymel Manuel

NAGHARAP ang Department of Justice ng kasong qualified traffcking at child exploitation charge laban sa mga indibidwal na naaresto sa isang entrapment operation habang nagbebenta ng isang bagong panganak na sanggol sa online, sa halagang P90,000.

Batay sa inilabas na resolusyon ng National Prosecution Service (NPS) na may petsang Mayo 17, 2024, kabilang sa kinasuhan sina Arjay Escalona Malabanan at Ma. Chariza Rivera Dizon ng paglabag sa Republic Act No. 9208 — the Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 — at Republic Act No. 7610, o the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.


Sinabi ni NPS Assistant State Prosecutor Claire Eufracia Pagayanan, may sapat na basehan para makasuhan sina Malabanan at Dizon na nahuli sa isang entrapment operation sa isang simbahan sa Dasmariñas City, Cavite.

Nakasaad rin sa resolusyon na ang krimen ay ginawa sa pamamagitan ng. paggamit ng Information and Communication Technology system.

Diumano, modus operandi ni Malabanan ang paggamit ng kanyang Facebook account na “Kuy’s Jay” sa pamamagitan ng pag-aalok kung gusto ba na magkaroon ng ‘baby’ ng kausap.


Ang entrapment operation ay isinagawa noong Mayo 15, kung saan naaresto sina Dizon at Malabanan, kung saan umakto bilang complainant ang Philippine National Police-Women and Children Protection Center.

Kaugnay niyan ay tiniyak naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang pahayag na dudurugin niya ang “online black market” na nagbebenta ng bagong panganak na sanggol sa online.


Tags: Department of Justice

You May Also Like