Nagpahayag ng pagka-alarma ang Department of Justice (DOJ) sa napaulat na pananambang sa back-up vehicle ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr. sa Quezon City.
Sinabi ng DOJ na sila ay kaisa ng BuCor sa paninindigan laban sa anumang pagtatangka na takutin o hadlangan ang pamumuno nito.
Tiniyak din ng DOJ na mananatili silang nakatuon sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng kanilang mga tauhan.
“We are fully behind the Bureau of Corrections during this time. Acts of violence will not deter us; they only emphasize the need for our reforms. We are more committed than ever to ensure the safety of public servants and to pursue justice for such cowardly acts,” ayon sa DOJ.
Dakong alas-6:30 ng umaga nang tambangan at pagbabarilin ng mga di kilalang suspek ang back-up vehicle ni Catapang habang binabagtas nito ang Skyway sa area ng Quezon City.
Sa paunang ulat, ang naturang sasakyan na isang Toyota Hilux, ay nagkataong bulletproof.
Diumano ay ipinahiram lamang at nasa temporary command ni Deputy Director General for Administration Atty. Al Perreras ang sasakyan nang maganap ang pamamaril at noon ay minamaneho ng security escort na si CO1 Cornelio Colalong, kasama si CO1 Leonardo Cabaniero.
Nakatakda nilang sunduin si Atty. Perreras, nang mag-overtake ang sinasakyan ng mga gunman na Toyota Vios at pinagbabaril ang Hilux.
Agad na nagsitakas na ang mga suspek patungo sa Nagtahan exit ng Skyway matapos ang pamamaril.
Sa kabutihang-palad ay hindi nasaktan ang mga lulan ng Hilux at batay sa trajectory ng mga bala, target ng mga suspek ang front passenger side, na siyang karaniwang kinalalagyan ni Perreras.
Inatasan ni Atty. Perreras ang kanyang security team na iulat ang insidente sa mga pulis na nakakasakop sa lugar.
Kinumpirma naman ni Catapang na siya at si Atty. Perreras ay kapwa nakakatanggap ng mga ‘death threats’ matapos na pasimulan ang ilang reporma sa loob ng BuCor.
Aniya, hindi sila patitinag at ipagpapatuloy nila ang mga nasabing pagbabago sa correctional facitlity.














