Latest News

DOJ, magsasampa ng kaso kaugnay ng Bilibid tunnel

PINAG-AARALAN ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso sa ilang personalidad kaugnay ng paghuhukay sa New Bilibid Prison (NBP) kabilang ang isang tunnel na umano’y nag-umpisa sa panunungkulan ni suspended Bureau of Corrections chief Gerald Bantag.

Ito ay sa kabila ng pagsasabi ni Bantag na ang paghuhukay ay bahagi ng development sa pamamagitan ng isang joint venture sa Agua Tierra Mina Oro Development Corp. (Atom) na layong gawing isang “business center” ang lugar.

Kapalit nito ang donasyon na 200-ektaryang lupain sa General Tinio, Nueva Ecija na paglilipatan ng NBP. Ang kikitain rin umano ng business center ay hahatiin ng 35%-65% sa pagitan ng BuCor at Atom.

Ngunit sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi balido ang kasunduan dahil sa hindi naman ito inaprubahan ng dating kalihim ng DOJ na si Menardo Guevarra nang unang ipinanukala noong 2020. Tahasan ring itinanggi ni Guevarra na may alam siya sa paghuhukay.

“I thought it was rubbish. It’s a piece of paper that belongs nowhere,” ayon kay Remulla na nagsabing wala ring alam ukol sa kasunduan si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano na isang memorandum ang natagpuan nila na sinasabihan ni Guevarra si dating Pangulong Duterte na “void ab initio” o walang bisa ang joint venture na pinasok ni Bantag at ng Atom. (Carl Angelo)

 

Tags:

You May Also Like

Most Read