DOH, wala pa ring nakikitang pagtaas ng COVID-19 cases

Wala pa ring nakikitang pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa ang Department of Health (DOH), ilang araw matapos ang holiday season.

Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na bagama’t nakapagtala sila ng isang porsiyentong pagtaas sa mga naiuulat na mga kaso ng COVID-19 nitong Martes, ay ‘insignificant’ naman aniya ito, at hindi masasabing dulot ng katatapos na holiday season.


Kasabay nito, tiniyak rin ni Vergeire na patuloy nilang babantayan ang lagay ng COVID-19 sa bansa.

Umaasa rin si Vergeire na manananatiling mababa at hindi tataas ng husto ang mga maitatala nilang kaso ng sakit sa mga susunod na araw.

“Ngayong araw na ito nakita natin na meron tayong one percent increase, but this is not significant for us to say that there is this uptick in cases as a result of the holiday season,” ayon pa kay Vergeire.


“So patuloy natin babantayan ito, we will continuously monitor, and hopefully this would continue to remain at that point or at that level na hindi talaga tumataas ng husto,” aniya pa. (Jantzen Tan)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read