Latest News

DOH: Unang COVID-19 Omicron XBF case, naitala sa Pilipinas

Naitala na sa Pilipinas ang unang kaso nito ng COVID-19 Omicron subvariant XBF, na recombinant sublineage ng BA.5.2.3 at CJ.1.

Sa COVID-19 biosurveillance report ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, lumilitaw na ang nag-iisang XBF case sa bansa ay natukoy sa genome sequence noong Enero 28, na may collection date na Disyembre 2022.

Bukod sa XBF, dalawa pang karagdagang kaso ng Omicron subvariant XBB.1.5 ang natukoy, base sa genome sequence results, na inilabas mula Pebrero 7 hanggang Pebrero 9.

Mula sa 69 samples na isinailalim sa sequencing ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), nabatid na 26 ang klasipikado bilang XBB (kabilang ang dalawang kaso ng XBB.1.5); 10 ang BA.2.3.20; tatlo ang BA.5 (kabilang ang isang kaso na klasipikado bilang BQ.1); dalawa ang BA.2.75; isa ang XBC; at 20 ang iba pang Omicron sublineages.

Sa 26 XBB cases naman, isa ang klasipikado bilang returning overseas Filipino, at ang iba pa ay pawang mga local cases mula sa Regions 2, 3, 4A, 7, 10, 11, at National Capital Region (NCR).

Una nang inianunsiyo ng DOH nitong Martes na natukoy na nila ang unang kaso ng XBB.1.5 sa bansa.

Ang XBF at XBB.1.5, gayundin ang CH.1.1 ay una na ring idinagdag ng World Health Organization (WHO) sa listahan ng mga “Omicron subvariants under monitoring.

Tags:

You May Also Like

Most Read