DOH: Unang batch ng bivalent COVID-19 vaccines, posibleng dumating sa bansa sa katapusan ng Marso

Posible umanong bago matapos ang buwan ng Marso ay dumating na sa bansa ang unang batch ng mga bivalent COVID-19 vaccines.

Ang bivalent vaccines ay modified vaccines, na ang target ay ang omicron variant at ang original form ng virus.


Ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, ang mga naturang bakuna ay magmumula sa COVAX facility, ang international vaccine-sharing scheme na suportado ng United Nations.

“COVAX facility has already committed to us. Hopefully by the end of March, we are going to receive the COVAX vaccines already,” pahayag pa ni Vergeire, sa panayam sa telebisyon nitong Martes.

Samantala, sa isang press briefing naman nitong Martes rin, sinabi ni Vergeire na may isang bansa na ang nagkumpirma na magbibigay ng donasyon ng naturang mga bakuna.


Hindi pa naman tinukoy ni Vergeire ang naturang bansa ngunit sinabing inaayos na nila ang petsa kung kailan maide-deliber ang mga bakuna sa Pilipinas.

Kinumpirma rin naman ng health official na may iba pang mga nasyon ang nag-alok na rin ng donasyon ng bivalent vaccines. (Arsenio Tan)


Tags: Department of Health (DOH) Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire

You May Also Like