Umabot sa 609 ang kabuuang bilang ng mga fireworks-related injuries (FWRIs) na naitala ng Department of Health (DOH) sa pagsalubong sa Taong 2024.
Ayon sa DOH, para sa huling bulletin na inilabas nitong Sabado, para sa FWRI surveillance year (SY) 2023, nakapagtala pa sila ng siyam na bagong kaso mula 6:00AM ng Enero 5 hanggang 5:59AM ng Enero 6, 2024.
Anang DOH, lahat ng mga bagong kaso ay nagtamo ng pinsala dahil sa paputok.
Dagdag pa ng DOH, “Ang kabuuang pinsala para sa SY na ito ay nasa anim na raan siyam (609).”
Dagdag pa nito, “Maaaring may mga karagdagang kaso na naiulat sa loob ng araw.”
Nabatid na ang mga bagong kaso ay nagkakaedad ng mula 8 hanggang 55 taong gulang (median age: 25) na may halos pito sa sampung (6, 67%) kaso ay mga lalaki.
Nasa walong kaso o 89% ng mga bagong kaso na ito ay nangyari umano sa bahay at sa mga lansangan.
Karamihan o pitong kaso o 78% ng mga kaso ay dahil sa legal na paputok habang 44% naman na indibidwal ang naospital dahil sa kanilang mga pinsala.
Sinabi pa ng DOH na magtatapos na ngayon ang FWRI surveillance para sa SY 2023.
May mga naiulat pa rin anilang kaso ng stray bullet injuries (SBIs) ngunit bina-validate pa ito, “kaya maaaring magbago ang bilang sa susunod na mga araw.”
Anang DOH , “Patuloy ang pag-validate ng DOH sa PNP para makarating sa kumpirmadong bilang.”
Samantala, magpapatuloy naman anila ang kanilang pagsubaybay para sa mga kaso ng tetanus hanggang Enero 25, “dahil ang maximum na incubation period ay 21 araw, na may average na 14 na araw.”
Sa mga FWRI naman, ang pinakahuling insidente ay nabatid na naganap noong Enero 4.