INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na naktakda nilang simulan ngayong taon ang pagkakaloob ng libreng bakuna kontra sa human papillomavirus (HPV), sa mga kabataang babae sa bansa, matapos na mabigyan na ito ng pondo sa 2025 national budget.
Kaugnay niyan ay ipinagmalaki ni Health Secretary Ted Herbosa na inaprubahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang kahilingan na bigyan ng budget ang HPV vaccination sa lahat ng batang babae.
Ayon kay Herbosa, napakahalaga ng naturang bakuna sa mga kababaihan dahil sa pamamagitan nito ay maiiiwas sila sa iba’t ibang karamdaman, gaya ng cervical cancer.
“Very important ito dahil mahal ang HPV vaccination. P4,000 per dose, 2 doses, so P8,000 for a nine-year-old girl. Pinondohan na ko ng Presidente for 2025. For 2025, we can vaccinate all Filipino girls.Ang effect niyan, mawawala ang cervical cancer.,” paliwanag pa ni Herbosa.
Sinabi rin ni Herbosa na hindi lamang ang mga kababaihan ang dapat na mabigyan ng naturang bakuna, kundi maging ang mga kalalakihan din, na nangangailangan rin ng bilyong pondo.
“Well, kailangan pa nating ma-vaccinate ang mga lalake kasi sa ibang bansa pati boys binigyan na rin nila. Malaking bilyon din yan,” dagdag pa niya.