DOH sa publiko: Magsuot ng face mask, magpabakuna kontra flu

By: Anthony Quindoy

Hinihikayat ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa ang publiko na magsuot ng face mask at magpabakuna kontra flu, kasunod ng tumataas na bilang ng mga kaso ng influenza-like illnesses (ILI).

Batay sa datos ng DOH, nabatid na hanggang noong Oktubre 13, 2023 ay nasa 151,375 ILI cases na ang naitala sa bansa.


Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang 104,613 kaso lamang sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

Sa isang televised public briefing naman nitong Martes, binigyang-diin ni Herbosa na mahalagang proteksiyunan ang sarili sa ganitong mga panahon na maraming kumakalat na sakit.

Hinimok rin niya ang mga taong may respiratory illnesses gaya ng ubo, sipon at pananakit ng lalamunan, na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan upang hindi na makahawa ng ibang tao.


Tiniyak rin niya na kasalukuyan nang minu-monitor ng Epidemiology Bureau (EB) ang dumaraming kaso ng ILI, na karaniwan aniyang nagaganap sa panahon ng tag-ulan at sa buwang malalamig ang panahon.

“Reminder to everyone…get the flu shot. We have flu shots at the Department of Health. If you are high-risk, especially elderly and senior citizens, magpa-flu shot kayo,” aniya.


“Things we learned during COVID i-practice lang natin. Wear a mask also—masking again if you have cough, colds, or respiratory illness.,” dagdag pa ng Kalihim.


Tags: Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa

You May Also Like