INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na target nitong makapagbakuna ng nasa 11 milyong bata sa ikakasang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR SIA) o ang Ligtas-Tigdas Vaccination ngayong Enero 2026.
Ayon sa DOH, ang measles (tigdas) at rubella (tigdas hangin) ay lubhang nakahahawang sakit na maaaring mauwi sa komplikasyon lalo na sa mga batang edad 5 taong gulang pababa.
Napag-alaman na sa isasagawang Ligtas Tigdas ngayong Enero, mula sa karaniwang pagbabakuna sa tigdas para sa mga batang edad 9 at 12 buwang gulang ay babakunahan maging ang mga batang edad 6 hanggang 59 buwang gulang o 5 taong gulang pababa, anuman ang kanilang vaccination status.
“Itinatayang halos 11 milyong bata ang mababakunahan sa buong bansa,” anang DOH, na nagsabing ang Phase 1 ng Ligtas Tigdas ay isasagawa sa Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa darating na Enero 19 hanggang Pebrero 13, 2026 kung kailan target nilang mabigyan ng bakuna ang 2.8 milyong bata.
Ang Phase 2 ng programa sa Luzon at Visayas ay gaganapin naman simula sa Hunyo 2026 at ayon sa DOH, target nilang mabakunahan ang nasa 5.6 milyong bata sa Luzon at 1.9 milyon naman sa Visayas.
Bago nito ay tiniyak ng DOH na handa na ang mga bakunang gagamitin para sa naturang mass vaccination at mismong si Health Secretary Teodoro Herbosa pa ang nanguna sa pag-i-inspeksiyon sa mga ito.














