Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na accurate ang isinasagawa nilang reporting at surveillance ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ang paglilinaw ay ginawa ng DOH kasunod ng pahayag ng OCTA Research Group na nagkakaroon ng underreporting ng COVID-19 cases dahil hindi naisasama sa tally ng pamahalaan ang positibong resulta ng mga antigen tests.
Tiniyak naman ng DOH na bagamat hindi naisasama sa tally ang resulta ng antigen tests, masusi naman nilang minu-monitor ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang Regional Epidemiology and Surveillance Units.
“The Department of Health is confident in the accuracy of reporting of cases and surveillance of our units,” anang DOH.
“While the antigen test results are not yet counted in the DOH reports, we are monitoring these through our Regional Epidemiology and Surveillance Units who track the compliance of antigen test reporting from LGUs and health facilities,” anito pa.
Binigyang-diin pa ng DOH na sa kabila ng naoobserbahang pagtaas ng mga kaso ng sakit, ang mas mahalaga pa rin ay nananatiling mababa ang bed at ICU utilization rates ng COVID-19.
Nangangahulugan kasi anila ito na ang mga pagamutan ay nananatiling buaks at hindi nao-overwhelmed ng mga pasyente.
“Moreover, even with the observed increase in cases, it is more important that our bed and ICU utilization rates stay low — meaning our hospitals stay open and not overwhelmed,” anito pa.
Iniulat rin ng DOH na hanggang noong Hulyo 28, 2022, nananatili pa ring nasa low risk ang case classification ng bansa sa average daily attack rate (ADAR) na 2.52 cases per 100,000 population.
Ang hospital bed occupancy naman ay nasa less than 29% lamang habang ang ICU utilization rate ay nasa 24% naman.
Patuloy rin ang paalala ng DOH sa publiko na magpabakuna na, huwag maging kampante at istriktong tumalima sa umiiral na health and safety protocols.
“We should further improve vaccination and booster coverage to help prevent severe and critical symptoms as well as follow proper sanitation and health protocols such as wearing the best fitted mask, washing hands regularly, and maintaining airflow to prevent further chances of virus transmission,” anang DOH. (Arsenio Tan)














