Nagbigay ng payo ang Department of Health (DOH) na paghandaan ang posibleng pagpasok sa bansa ng isang ‘tropical storm’ na posibleng maging isang super bagyo.
Sa abiso, tiniyak ng DOH na minumonitor na ng kanilang Health Emergency Management Bureau Operation Center ang mga posibleng epekto ng bagyong may international name na Typhoon Mawar sa bansa.
“In anticipation of the progress of this Tropical Storm, the DOH advises the public to prepare and report any untoward incident that may later be related to this weather disturbance,” abiso pa ng ahensiya.
Hinikayat rin ng DOH ang publiko na kontakin ang kani-kanilang local disaster and emergency risk team para sa tulong, sakaling magkaroon ng emergency.
Payo pa ng DOH, bilang bahagi ng paghahanda sa darating na bagyo, dapat na maghanda ang publiko ng emergency go bag na kinabibilangan ng ready-to-eat food, tubig, damit, first aid kit, tools, sleeping bags, COVID-19 protection kit, at iba pa.
Hinimok rin ng ahensiya ang DOH na paghandaan ang mga posibleng pagbaha, unawain ang senyales ng emergency; at maghanda sakaling kailanganin nang lumikas.
Bago niyan ay sinabi ng PAGASA na ang typhoon MAWAR ay maaaring makapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes o Sabado, at tatawagin itong Bagyong Betty.