Umaabot na sa 88 ang naitalang fireworks-related injuries (FWRI) ng Department of Health (DOH) sa bansa.
Ito’y matapos na makapagtala pa ng 13 bagong kaso hanggang kahapon, kabilang ang isang apat na taong gulang na batang lalaki, na nakalunok ng watusi.
“Ang FWRI Report #7 (6:00 AM ng Disyembre 27 hanggang 5:59 AM ng Disyembre 28) ay nagsiwalat ng labintatlong (13) bagong kaso, mula 5 hanggang 49 taong gulang (median age: 18), karamihan ay mga lalaki (10),” ulat ng DOH.
Nabatid na 12 sa mga bagong kaso na ito ay nangyari sa bahay at sa mga lansangan.
Lima o 42% ng mga bagong kaso ang dahil sa iligal na paputok, habang mas marami ang aktibong nasangkot sa pagpapaputok na nasa siyam kaso o 69%.
“Kasama sa mga bagong kaso ang unang kaso ng paglunok ng paputok: Isang 4 na taong gulang na batang lalaki mula sa CALABARZON ang aksidenteng nakalunok ng Watusi sa bahay,” dagdag pa ng DOH.
Anang DOH, sa 88 FWRIs, 31 ang nagmula sa National Capital Region (NCR) o 35%.
Sumusunod sa NCR sa bilang ng kaso ang Central Luzon na may 11 kaso o 12%; Ilocos Region na may 10 kaso o 11%; Bicol Region, Davao Region, at Soccsksargen na may tig-limang kaso o 6%.
Nabatid na 96% ng mga kaso ay ang nangyari sa bahay at sa mga lansangan habang karamihan ay mga lalaking may aktibong pakikilahok sa pagpapaputok.
Ang nangunguna sa mga natukoy na paputok na nagdulot ng halos pito sa bawat sampung kaso o 68% ng FWRIs ay ang Boga (ilegal), 5-Star (ilegal), Kwitis (legal), Piccolo (ilegal), Pla-Pla (ilegal), Whistle Bomb (legal), at Luces (legal).
Anang DOH, “Ang mga iligal na paputok ay dapat sisihin sa humigit-kumulang anim sa bawat sampung kaso o 52 kaso o 59%.”
Kaugnay nito, nagbabala ang DOH laban sa watusi na anila ay maaaring makamatay.
“Watusi is deadly. Ang Watusi ay may Yellow Phosphorus, Potassium Chlorate, Potassium Nitrate, at Trinitrotoluene (TNT). Madalas napagkakamalang kendi ito ng mga bata dahil sa liit at kulay. Ang paglunok ng Watusi ay nakamamatay,” aniyo pa.
Payo pa ng DOH, “Dalhin agad ang pasyente sa emergency room. HUWAG bumili o payagan ang anumang Watusi na nasa iyong tahanan.”
Nagbigay rin ang DOH ng payo hinggil sa pagbibigay ng first aid para sa Watusi.
Anang DOH, “Kung nalunok: HUWAG pasukahin. Maaaring bigyan ang mga bata ng 6-8 hilaw na puti ng itlog; para sa mga matatanda, 8-12 hilaw na puti ng itlog. Dalhin kaagad ang pasyente sa pinakamalapit na emergency room ng ospital.”
Sakali naman umanong napunta sa mata ang watusi, “Hugasan kaagad ng malinis na tubig nang hindi bababa sa 15 minuto. Panatilihing bukas ang mga talukap ng mata. Kumonsulta agad sa doktor.”
Kung apektado naman ang balat, ” Hugasan kaagad ng maraming malinis na tubig ang mga apektadong lugar. Alisin ang kontaminadong damit (siguraduhing nalabhan ito bago muling gamitin). Kumonsulta agad sa doktor.”
Kung nalanghap naman, “Hayaang makalanghap ang pasyente ng malinis at sariwang hangin; panatilihin siyang komportable. Humingi ng agarang tulong medikal.”
Payo pa ng DOH, “Magtulungan tayo para sa #BagongPilipinas kung saan #BawatBuhayMahalaga at nababawasan ang pinsala mula sa paputok.”














