Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na hindi pa nakakabahala ang nakikitang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa ngayong linggong ito.
Ayon kay DOH-Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay nananatili pa rin namang nasa low risk ang klasipikasyon ng lahat ng lugar sa bansa.
Dagdag pa ni Vergeire, nananatili pa ring ‘manageable’ ang hospital admission rates sa bansa.
Base sa datos ng DOH na inilabas noong Lunes, mula Nobyembre 7 hanggang 13, aabot sa average na 1,296 daily infections ang naitala sa bansa.
Ang naturang bilang ay 43% na mas mataas kumpara sa mga naitala noong nakalipas na linggo.
Samantala, bagamat malayo na ang narating ng bansa pagdating sa pangangasiwa sa viral transmission ang severity ng sakit, maingat pa rin si Vergeire sa pagsasabi kung endemic na nga ba ang COVID-19.
Paliwanag niya, sa pagdedeklara sa COVID-19 bilang endemic ay kailangan nila ang tulong ng mga eksperto mula sa World Health Organization (WHO).
Dapat rin aniyang ang bilang ng mga kaso ng sakit ay umabot na sa acceptable o katanggap-tanggap na antas at kontrolado na ang severe at critical infections, gayundin ang bilang ng mga namamatay dahil sa virus.
Ang pinakamahalaga aniya, dapat ay mataas na ang antas ng immunity ng populasyon laban sa isang ispesipikong sakit, bago tuluyang pag-usapan ang endemicity.
Ipinaliwanag pa ni Vergeire na bagamat mataas na ang bilang ng mga nabakunahan ng primary series o first dose at second dose ng bakuna, mababa pa rin naman ang bilang ng mga natuturukan ng booster shots.
Nabatid na hanggang noong Nobyembre 15, nasa higit 73 milyong Pinoy na ang fully-vaccinated sa bansa.
Gayunman, sa naturang bilang, 20.8 milyon pa lamang ang nakatanggap ng kanilang first booster dose.
“We need to be very certain about this immunity among the population before we can really say, and the criteria has been fulfilled, na talagang sinasabi natin na endemic state na tayo,” aniya pa, sa isang panayam.
Nilinaw naman ni Vergeire na hindi niya sinasabing imposible itong mangyari.
Dagdag pa niya, bagamat hindi pa sila handang ideklarang endemic ang COVID-19 sa ngayon, ay nakakakita na aniya sila ng pag-asa at tila aniya patungo na talaga ang bansa sa direksiyong iyon.
“We’re not saying it’s impossible. Pero ngayon, I can see that light at the end of the tunnel so mukhang we’re really going to that direction already. But right now, we cannot declare it as of this time. We’re not there yet,” aniya pa. (Philip Reyes)














