NAGBABALA ang Department of Health (DOH) sa publiko na ang pananakit sa sarili o pagpepenitensiya ngayong Semana Santa ay maaaring magdulot ng panganib sa kanilang kalusugan.
Ayon kay DOH Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo, ito ay ukol sa nakaugaliang pagpepenitensiya ng ilang Katoliko ngayong Semana, gaya ng paghagupit sa kanilang mga likod at pagpapapako sa krus upang ipakita ang kanilang pagsisisi sa mga nagawang kasalanan.
Aniya, mismong ang Simbahang Katolika na rin ang nagsabi na hindi naman kailangang sugatan o saktan ang sarili upang ipakita ang pagbabalik-loob sa Panginoon.
“Alinsunod na rin sa mga kaparian, hindi naman kinakailangan na sugatan o saktan ang ating katawan,” pahayag pa ni Domingo.
Kung talaga aniyang hindi mapipigilan ang mga mananampalataya sa kanilang nakaugaliang pagpepenitensiya, pinaalalahanan na lamang ni Domingo ang mga deboto na tiyaking ang gagamitin nila sa pananakit sa sarili ay malinis at na-sanitized upang maiwasan ang impeksiyon.
Payo pa niya, hugasang mabuti ng sabon at tubig ang magiging sugat ng mga ito.
Maaari rin aniya itong gamitan ng mga antiseptic o iodine.
“Tandaan po natin na ang mga sugat sa katawan ng penitensya ay mga tinatawag na ‘dirty wound.’ ‘Yung alikabok ng lupa, do’n sa mga lumilipad na alikabok sa paligid, saka ‘yung mga ginagamit nating instrumento, pwedeng panggalingan ng mikrobyo,” aniya.
“Ang tanging lunas po niyan is maghugas ng malinis na tubig at sabon, at paggamit ng mga antiseptic tulad ng iodine na tinatawag natin. ‘Wag na hong tumalon sa ilog, sa dagat, ‘yung paniniwalang gano’n. Linisin na lang natin sa tamang paraan,” dagdag pa nito.