Latest News

DOH: Pagluluwag sa face mask rule, ‘di pa napapanahon

Naniniwala ang Department of Health (DOH) na hindi pa napapanahon na luwagan na ang mga panuntunan hinggil sa pagsusuot ng face mask sa bansa.

Ito, ayon kay DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, ay dahil patuloy na dumarami ang mga severe at critical COVID-19 cases sa bansa.

Sinabi pa ni Vergeire na nananatili pa ring mababa ang bilang ng mga taong nagpapaturok ng COVID-19 booster shots sa eligible population.

Nagbabala rin siya sa publiko sa nababawasang immunity laban sa virus dahil tumataas aniya ang COVID-19 admissions ng mga fully vaccinated individuals.

“We are not closing our doors to lifting this kind of mandate for mask but this is not the proper time yet because we don’t have that stable situation for COVID-19 cases and even deaths,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes.

Nauna rito, nagdesisyon ang Cebu City government na maglabas mg executive order para sa “non-obligatory” na paggamit ng face mask sa open spaces.

Sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na pumayag na, in principle, ang alkalde ng lungsod na ipagpaliban muna ang implementasyon ng EO at hintaying matalakay niya ito sa Inter-Agency Task Force (IATF).

Samantala, pinaalalahanan rin ni Vergeire ang mga local government units (LGUs) na iprayoridad ang kalusugan ng publiko.

Giit niya, ang pagsusuot ng face mask ay mabisang paraan upang makaiwas sa virus, at maprotektahan ang most vulnerable population laban sa sakit. (Jantzen Tan)

Tags:

You May Also Like

Most Read