Nagbigay ng ilang payo ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) upang makaiwas sa heat stroke at iba pang karamdaman ngayong panahon ng El Niño.
Ayon kay DOH assistant secretary Albert Domingo, ang magandang balita naman ay wala pa silang naitatalang mga kaso ng heat stroke sa bansa sa ngayon.
Gayunman, hindi pa rin aniya dapat na ipagwalang-bahala ito.
Aniya, upang makaiwas sa heat stroke, makabubuting huwag magbilad sa araw at tiyaking palaging nasa lilim at malamig na lugar.
Makatutulong rin aniya ang pagsusuot ng mga maluluwag at light-colored na damit.
Mainam rin aniyang uminom ng maraming tubig upang mapanatiling hydrated ang ating mga katawan.
Dagdag niya, kung kailangan talagang lumabas ng bahay, iwasan ang katanghaliang tapat, o yaong oras sa pagitan ng 10:00AM hanggang 2:00PM, na siya aniyang pinaka-peak na mataas ang sikat ng araw.
Una nang nagbabala ang DOH na ang heat stroke ay maaaring mauwi sa kamatayan kung hindi maaagapan.