Dala ng posibleng pagtaas ng kaso ng leptospirosis dahil sa tubig-baha sa iba’t-ibang panig ng bansa bunsod ng bagyo, inilagay ng Department of Health (DOH) ang lahat ng Centers for Health Development (regional offices) nito sa buong bansa, gayundin ang Ministry of Health sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) sa ‘code white alert.’
Ang mga nabanggit na units ay dapat na magsagawa ng.monitoring at mag-ulat ng anumang insidente sa
DOH Health Emergency Management Bureau (HEMB) integrated information system na nakaugnay sa HEMB Operations Center (OPCEN).
Pinaalalahanan rin ng DOH ang publiko sa panganib ng leptospirosis dala ng mga baha.
Maari umanong dapuan ng leptospirosis kapag lumusong ang isang tao sa tubig-baha o humawak ng.lupa o putik, partikular na iyong mga may sugat.
Kinakailangan umanong.magpa-konsulta sa doktor 24 oras matapos na lumusong sa tubig-baha o makahawak ng lupa,putik at dumi, pagkatapos ng baha.
“Mas mabuti pong umiwas sa baha at putik para makaiwas magka-lepto. Sa mga kailangangang lumusong, gumamit ng bota hanggang tuhod. Hugasan agad ang katawan ng malinis na tubig at sabon pagkatapos. Kumonsulta agad sa doktor, huwag maging kampante kasi matagal lumabas ang sintomas,” paalala ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa sa publiko.
Batay sa tala, hanggang nitong Hulyo 13, 2024 ay nasa 1,258 na ang dinapuan ng leptopirosis.
Anim na linggo bago mag-Hulyo 13 ay nasa ‘downtrend’ na umano ang leptospirosis, bagama’t posibleng tumaas pa ang nasabing bilang pagkatapos ng bagyo.
Kasama sa mga rehiyong tumaas ang kaso ng leptospirosis mula Hulyo 2 hanggang Hulyo 13 ang Zamboanga Peninsula, CARAGA, SOCCSKARGEN, Western Visayas, MiMaRoPa, Eastern Visayas at Northern Mindanao.
Samantala, nakapagtala ang DOH ng 133 na nasawi hanggang nitong Hulyo 13,2024.
Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ang pagkakaroon ng lagnat, pagsusuka,pananakit ng kalamnan, pananakit ng ulo, pamumula ng mata at paninilaw.
Ayon sa DOH, aabot ng dalawa hanggang 30 araw bago magkasakit matapos na.makakuha ng bacteria na sanhi ng leptospirosis, kaya’t dapat na kaagad magpa-konsulta sa doktor at uminom ng antibiotics ang sinumang nakalusong sa baha o nakahawak ng lupa, putik o dumi mula sa baha.














