Latest News

DOH, nanguna sa ‘Linis-Ligtas Barangay’ Coastal Clean-up Drive sa Ilocos Norte

By: Carl Angelo

Katuwang ang lokal na pamahalaan ng Currimao, Ilocos Norte, pinangunahan ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang isang coastal clean-up drive sa mga baybayin ng Brgy. Salugan.

Ang naturang aktibidad na tinawag na “Linis-Ligtas Barangay Coastal Clean-Up Drive” na may temang ‘Ang Barangay na Malinis ay Kaisa para sa Healthy Pilipinas!,’ ay isinagawa sa pamamagitan nang pangungolekta ng mga basura sa baybayin na maaaring magdulot ng matinding problema sa polusyon na makakaapekto sa kalusugan ng mga residente at mga turista, gayundin ng marine wildlife at lokal na ekonomiya.

Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Regional Director Paula Paz M. Sydiongco na ang naturang coastal clean-up initiative ay humihikayat sa mga local leaders at mga residente na protektahan ang mga baybayin at karagatan upang maging ligtas at malinis mula sa mga basurang pinapadpad ng alon sa dalampasigan at iniiwan ng mga taong bumibisita doon araw-araw.


“Ang paglilinis at pag-aalis ng mga basura sa ating mga dalampasigan ay nakakabawas sa epekto ng polusyon sa ating mga karagatan and also brings camaraderie to the community dahil lahat, kabilang ang ating mga LGU, ay nakikilahok at nakikiisa sa responsibilidad na mapanatiling ligtas at malinis ang ating mga lugar,” ani Sydiongco.

Paghikayat pa niya, “Sa mga bumibisita po sa ating mga beaches, huwag po nating iwanan ang ating mga basura at siguruhin po nating malinis ang lugar sa dalampasigan na ating ginamit bago tayo umuwi.”


Nabatid na ang coastal cleanup activity ay isinagawa noong Setyembre 26, 2023 mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-10:30 ng umaga, kung saan kabuuang 15 sako o 300 kilo ng iba’t ibang uri ng basura ang nakolekta, kabilang na ang mga face masks, pet bottles, plastic bags, straws, plastic at paper cups, barbeque sticks, mga basyo at basag na bote ng soft drink, beer at alcohol, styrofoam, wood, mga lumang tsinelas at sapatos at iba pa.

Ang inisyatiba ay pinangunahan ng Regional Health Promotion Unit, na pinamumunuan ni Dr. Cheryl D. Buhong, na nagpahayag na ang isang regular cleanup program ay makatutulong upang mabawasan ang polusyon at mapaalalahanan ang mga residente na ayusin ang pagtatapon ng basura, at i-recycle ang mga ito upang mabawasan ang carbon footprint.


Hinimok rin niya ang mga residente at mga bisita na, “Use reusable plastics instead of single-use plastic cups and bring your own utensils instead of plastic spoons as these are the most common trash that can be found lying on beaches.”

“Ang pagbabawas ng basura at basura ng pagkain, ay pangangalaga sa ating kapaligiran,” aniya pa.

Kabuuang 98 volunteers mula sa iba’t ibang rural health units sa Paoay, Currimao, Nueva Era, Pagudpud, Burgos, Sarrat , Bangui, Pinili, Badoc, San Nicolas kabilang ang health personnel mula sa City Health Office ng Laoag, Mariano Marcos Memorial Hospital &Medical Center, teaching staff mula sa Mariano Marcos State University – College of Aquatic Science and Applied Technology, provincial DOH office ng Ilocos Sur, barangay officials ng Salugan, Currimao ang nakiisa sa aktibidad.

Kilala ang Currimao, isang coastal town, sa “Dinaklisan festival” nito, na isang taunang pagdiriwang na isinasagawa ng mga mangingisda at mga residente upang alalahanin ang mga biyayang kaloob ng Panginoon para sa mas masagana pang ani at ligtas na pangingisda sa karagatan.

Tags: Department of Health (DOH) – Ilocos Region

You May Also Like

Most Read