DOH, nakapagtala pa ng 1,340 bagong COVID-19 cases mula Nob 28 – Dis 4

By: Philip Reyes

Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 1,340 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 4, 2023.

Sa inilabas na National COVID-19 Case Bulletin ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 191.


Ito ay mas mataas ng 10 porsiyento kumpara sa mga kasong naitala noong Nobyembre 21 hanggang 27.

Sa mga bagong kaso, 11 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Ang magandang balita naman ay walang naitalang pumanaw noong Nobyembre 21 hanggang Disyembre 4.


Samantala, noong Disyembre 3, 2023, mayroong 253 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.

Sa 1,361 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 158 o 11.6% ang okupado.


May 2,037 o 17.5% naman ng 11,624 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Kaugnay nito, pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.


“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1,” anang DOH.

Paalala ng kagawaran, laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.

Anito, “Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster.”



Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read