Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 977 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa mula Hulyo 31 hanggang Agosto 6, 2023
Ayon sa National COVID-19 Case Bulletin nitong Lunes, ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 140, na mas mababa ng 25% kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Hulyo 24 hanggang 30, 2023.
Napag-alaman na sa mga bagong kaso, 11 ang may malubha at kritikal na karamdaman, habang may 34 ang nasawi kabilang ang 12 na naganap noong Hulyo 24 hanggang Agosto 6, 2023.
Mayroon namang 315 na malubha at kritikal na pasyente noong Agosto 6 na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.
Sa kabuuang bilang na 1,733 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, umabot sa 209 o 12.1% ang okupado, samantalang 2,556 o 15.9% ng 16,098 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit sa ngayon.














