Iniulat ng Department of Health (DOH) na simula Mayo 1 hanggang 7, ay nakapagtala sila ng 9,465 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa latest national COVID-19 bulletin ng DOH na inilabas nitong Lunes, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 1,352.
Ito ay mas mataas ng 112% kumpara sa mga kaso noong Abril 24 hanggang 30.
Sa mga bagong kaso, 50 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Mayroon rin namang naitalang 9 na pumanaw ngunit wala sa mga ito ang naganap noong Abril 24 hanggang Mayo 7.
Nabatid rin na noong Mayo 7, 2023, mayroong 410 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19.
Mula sa 2,097 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 346 o 16.5% ang okupado habang 3,766 o 21.2% ng 17,758 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.
Nasa higit sa 78 milyong indibidwal o 100.44% na ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 23 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Sa kabilang banda, 7.1 milyong senior citizens o 82.16% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.
“Pinapaalalalahan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH.