Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 780 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa mula Agosto 28 hanggang Setyembre 3, 2023.
Batay sa inilabas na National COVID-19 Case Bulletin ng DOH nitong Lunes ng hapon, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 111.
Ito ay mas mababa anila ng 3% kumpara sa mga kasong naitala noong Agosto 21 hanggang 27.
Anang DOH, sa mga bagong kaso, 10 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Mayroon rin namang limang pasyente ang naitalang pumanaw sa sakit, ngunit wala ni isa man sa mga ito ang naganap noong Agosto 21 hanggang Setyembre 3.
Iniulat pa ng DOH na noong Setyembre 3, 2023, mayroong 291 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.
Sa 1,542 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, nabatid na 166 o 10.8% ang okupado habang 1,982 o 13.9% naman ng 14,307 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, mahigpit ring pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH.