INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na 67 kaso ng leptospirosis ang naitala nito sa loob lamang ng 13 araw o mula Hulyo 14 hanggang 27.
Kasama na umano rito ang panahon ng pagbayo ng bagyong Carina at Habagat na nagpatindi sa mga bahang nararanasan sa Metro Manila at karatig- lalawigan.
Malamang umano na mas tataas pa ang nabanggit na bilang dahil sa mga naantalang report.
Napag-alaman na ang “incubation period” ng leptospirosis ay mula dalawa hanggang 30 araw at kalimitan, ang sintomas nito ay lumalabas sa pagitan ng isa hanggang dalawang linggo matapos na makalusong sa baha ang isang tao.
“The DOH continues to be on guard for leptospirosis,” ayon sa DOH, kasabay ng pahayag na maaring dapuan ng leptospirosis ang isang tao kapag napasukan ang kanyang balat ng ihi o iba pang body fluids mula sa infected na hayup.
Ang leptospirosis ay maaring.maging sanhi ng seryosong sakit gaya ng kidney o liver failure, meningitis, hirap sa paghinga at pagdurugo.
Nitong Hulyo 27 ay nakapagtala umano ang DOH ng 1,444 kaso ng leptospirosis na mas mababa ng 42 porsiyento kumpara sa 2,505 kaso na naitala sa kaparehas na panahon noong 2023.
Ayon sa ulat, umabot na sa 172 ang bilang ng kataong namatay sa leptospirosis hanggang nitong Hulyo 2, 2024.