Umaabot sa 28,008 na bagong COVID-19 cases ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa mula noong Agosto 8 hanggang 14, 2022 lamang o may average na 4,001 bagong kaso ng sakit kada araw.
Batay sa National COVID-19 case bulletin na inilabas ng DOH nitong Lunes, Agosto 15, nabatid na ang naturang bilang ay mas mataas ng 3% kung ikukumpara sa mga kasong naitala mula Agosto 1 hanggang 7, 2022.
Anang DOH, sa mga bagong kaso, 101 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Mayroon rin umanong naitalang 229 na pumanaw dahil sa karamdaman, kabilang ang 98 na binawian ng buhay noong Agosto 1 hanggang Agosto 14 lamang; 129 ang namatay noong Hulyo 2022; isa noong Hunyo 2022 at isa noong Setyembre 2021.
“Noong ika-14 ng Agosto 2022, mayroong 822 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,571 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 719 (28.0%) ang okupado. Samantala, 30.9% ng 21,968 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” ayon pa sa DOH.
Iniulat rin naman ng DOH na higit sa 72 milyong indibidwal o 92.33% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 17 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Mayroon rin namang 6.7 milyong senior citizens o 77.96% ng target A2 population ang nakatanggap na rin ng kanilang primary series.
Kaugnay nito, patuloy pa ring pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH. (Philip Reyes)