Latest News

DOH, nakapagtala ng 16,017 bagong kaso ng COVID-19 mula Set. 26 – Okt. 2

Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng hapon na nakapagtala sila ng 16,017 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa mula Setyembre 26 hanggang Oktubre 2.

Batay sa National COVID-19 case bulletin na inilabas ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 2,288.

Mas mababa anila ito ng 10% kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Setyembre 19 hanggang 25.

Anang DOH, sa mga bagong kaso, apat ang may malubha at kritikal na karamdaman habang mayroon namang naitalang 228 na pumanaw, kabilang ang 34 na naganap noong Setyembre 19 hanggang Oktubre 2.

“Noong ika-2 ng Oktubre 2022, mayroong 753 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,515 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 611(24.3%) ang okupado. Samantala, 26.2% ng 21,316 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” ulat pa ng DOH.

Umaabot na rin anila sa 73 milyon ang mga indibidwal o 93.70% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 19 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.8 milyong senior citizens o 78.51% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

Mahigpit pa rin naman ang paalala ng DOH sa lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.

Bagkus, dapat anilang ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.

Paalala pa ng DOH, laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.

“Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anito pa.

Tags:

You May Also Like

Most Read