INIULAT ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng hapon na nakapagtala pa sila ng kabuuang 1,465 bagong COVID-19 infections sa bansa mula Abril 18 – 24 ngunit walang bagong severe o kritikal na kaso silang nairekord.
Sa weekly report nitong Lunes, sinabi ng DOH na ang naturang bilang ay 12% na mas mababa kumpara sa kabuuang kaso na naitala mula Abril 11 – 17 na umabot sa 1,674 COVID-19 cases.
Ayon sa DOH, ang naturang total cases nitong nakalipas na linggo ay nangangahulugan na mayroong average na 209 kaso ng sakit na naitatala kada araw, na mas mababa sa average na 239 noong nakaraang linggo.
Samantala, may naitala ring karagdagang 213 COVID-19 deaths ang DOH nitong nakalipas na linggo at 43 lamang sa mga ito ang naitala nitong Abril.
Sa kabila naman ng mas mababang bilang ng mga bagong kaso ng sakit ngayon, iniulat ng DOH na nagkaroon ng bahagyang pagtaas sa healthcare utilization rate na nasa 16.9% mula sa dating 16.7% lamang habang ang ICU-bed utilization ay tumaas rin ng mula 15.8% hanggang 16.9%.
Umaabot pa rin naman sa 726 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na patuloy na nakakaranas ng severe at kritikal na sintomas ng sakit.
“Noong ika-24 ng Abril 2022, mayroong 726 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,841 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 479(16.9%) ang okupado. Samantala, 16.9% ng 24,309 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” anang DOH.
Samantala, ang mga fully-vaccinated individuals ay nasa 67,485,479 na o 74.98% ng target population, matapos na makapagbakuna ng 881,680 karagdagan pang indibidwal noong nakalipas na linggo. Ang mga indibidwal naman na nakatanggap na ng booster shots ay pumalo na sa 12,939,274 matapos na madagdagan ng 297,387 pa sa kaparehong panahon.
“Sa kabilang banda, 6.6 milyong senior citizens o 76.35% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series,” anito pa.
“Mula Abril 18 hanggang 24, 2022, 1,465 na bagong kaso ang naitala sa bansa. Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 209, mas mababa ng 12 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Abril 11 hanggang 17. Sa mga bagong kaso, wala sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman. Samantala, mayroon namang naitalang 213 na pumanaw kung saan 31 ay naganap noong Abril 11 hanggang 24,” dagdag pa ng DOH.
Patuloy namang pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted facemask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa dagdag na proteksyon laban sa banata ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” payo pa ng DOH. (Anthony Quindoy)














